Tuesday, January 11, 2011

Bataan Diary

BATAAN DIARY…
By Danilo B. Nisay
     Balanga City, Bataan
     Copyright: December 2006

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Paunang Salita
   Ang aklat na may pamagat na BATAAN DIARY (2010) ay mga pinagsama-samang artikulo ukol sa Bataan at sa 12 bayan na bumubuo dito.
     Halos lahat ng mga artikulong matutunghayan dito ay sinaliksik at buong tiyagang isinulat ng awtor simula pa noong 2006.
     Matatandaan na malaking bahagi ng mga kasaysayan ng Pilipinas, partikular na ng Bataan, ay nauwi sa abo sanhi ng lupit na idinulot ng nagdaang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-1945).  Ito ang tunay na dahilan kung bakit noong 1951 ay ipinag-utos ni Pangulong Elpidio Quirino na tipunin at muling buuin ang mga ulat, aklat at mga lathalain na may kinalaman sa mga nawalang mahahala-gang kasaysayan ng bawat pamayanan sa bansa.
      Noong 1953, sa panahon ni Victor de Leon bilang acting superintendent ng Bataan Schools Division ay nagawa nilang makabuo at makapagpalabas ng isang aklat na may pamagat na HISTORY OF THE BATAAN PROVINCE.
     Hindi naging madali ang pagbuo sa nawalang kasaysayan ng Bataan sapagkat karamihan sa mga dokumentong magpapatibay sa katotohanan ay  kasamang natupok matapos na ang mga gusaling-pampamahalaan sa mga bayan-bayan, kasama na ang lumang Kapitolyo sa Balanga ay nasunog gawa ng mga bombang ibinagsak ng mga eroplanong Hapones na nagsagawa ng malawakang pamiminsala sa Bataan.
     Malinaw na nagsimula sa wala ang mga taong nasangkot sa nasabing proyekto, partikular na ang mga nakatatandang guro ng mga paaralan. Hindi madali ang ginawa nilang pagsasaliksik at paghahanap sa baha-bahagi ng ating kasaysayan sapagkat mismong ang gusali ng Pambansang Aklatan (National Library), gayundin ang National Archive sa Maynila ay malaki rin ang mga tinamong pinsala noong panahon ng digmaan.
     Sa kabila ng mga kakulangang nabanggit ay hindi ito naging dahilan para mawalan ng loob ang ating mga bayaning guro. Sama-sama nilang pinagtiyagaan at pinagsikapan na saliksikin ang lahat ng lugar na posibleng pagkunan ng mga nawawala nating kasaysayan. Kumausap sila ng mga taong nakakaalala ng nakaraan. Ang tangi nilang isinaalang-alang ay kailangang mabuo ang ating kasaysayan sa anumang paraan. ito lang ang laging sumaisip sa mga mahal nating guro habang binibigyang-hugis ang nasabing proyekto. 
     Sa iba’t ibang kaparaanan ay nagtagumpay naman ang mga mananaliksik sa kanilang dakilang adhikain. Nakabuo nga sila ng isang aklat mula sa mga nalikom na  dokumento na nagpapatunay ng ating makulay na nakaraan.
     Ngunit malinaw na hindi sapat ang nabuong HISTORY OF THE BATAAN PROVINCE  para masabing naitala na ngang lahat ang nawalang kasaysayan lalawigan. Marami pa talagang kulang ang nasabing aklat.
     Katunayan, kamakailan lamang ay natagpuan ng awtor ang isa pang nalalabing aklat na magbibigay ng dagdag na ulat sa kasaysayan ng Bataan.  Ang aklat na ito ay may pamagat na “HISTORICAL SKETCH OF BATAAN AND HER CONTRIBUTIONS TO THE PROGRESS OF THE PHILIPPINES.
     Ito ay isinulat naman ni Atty. Eulogio Balan Rodriguez, nagging dating National Librarian ng Pilipinas baging magkadigma. Siya ay tubong-Orani, Bataan at matagal na naglingkod bilang hepe ng lumang National Library.  Ang aklat ay kanyang ipinalimbag noong 1916, sa panahon ni dating Gobernador Maximino delos Reyes (1912-1916).
     Sa tulong ng dalawang nabanggit na aklat at ng iba pang lathalaing may kinalaman  sa Bataan ay saka pa lamang nabuo ang “BATAAN DIARY”.  Ang mga orihinal na tala nina Victor de Leon at Eulogio B. Rodriguez ay dinagdagan lamang ng awtor ng mga bagong impormasyon para lalong maging napapanahon at kasiya-siya para sa lahat ang bagong “Bataan Diary”.
     Ano-ano naman ang mga karagdagang impormasyon na aking binanggit?
     Ang Alamat ng bayan ng Abukay, halimbawa, ay tinalakay sa aklat na HISTORY OF THE BATAAN PROVINCE  ang sumusunod…

                  “… Malinaw na binanggit na ang pangalan ng Abukay ay
              nagmula sa mga katagang “Abu…kinaykay” (o “digging the
              debris resulting from a fire”). 

     Walang makatatanggi na ito’y isang alamat lamang o isang kathang-isip at walang lohika na masasandalan.  Ito’y katulad lang ng paglikha ng ulan kung panahon ng tagtuyot.
     Karaniwan na, ang ganitong uri ng kathang-isip ay pinaninindigan na lamang nang husto ng kung sinumang lumikha ng lathalain at mga nagkukunwaring pantas ng kasaysayan.  Hindi nila isinaalang-alang na anumang lathalain, kahit na pawang kasinungalingan lamang,  ay kadalasang itinuturing bilang katotohanan lalo pa’t kung ang aklat ay naipalimbag na at nabasa na ng mga tao.
     Sa makabagong panahon, ang ganitong mga kathang-isip ay walang puwang sa lipunan. Ang kailangan ngayon ng kasalukuyan at susunod pang henerasyon ay pawang katotohanan upang magsilbing gabay nila sa pagtahak sa isang matuwid na landas.   
     Sa BATAAN DIARY, mas pinahalagahan dito ng awtor kung ano talaga ang Simula ng bawat bayan na bumubuo sa Bataan. Halos lahat ng mga kuwentong mababasa ninyo sa aklat na ito ay ibinatay sa lohika at mga katibayan.  Pagkatapos ay Ikumpara ang mga naritong Simula sa mga lumang Alamat na narito rin sa aklat na ito.
      Subukan ninyong pag-ubusan ng kahit kaunting panahon na basahin ang bagong aklat na ito.


                                                                                               Danilo B. Nisay
                                                                                                                  Mananaliksik Pangkasaysayan

2 comments:

  1. marami pa akong gustong idagdag dito, puwede ba? tapos ko na kasi ang history ng 12 towns, pati istorya ng mga governors at congressmen, at mga known personalities ng bataan. This is danny nisay.

    ReplyDelete